Panalangin para sa Pagkakaisa
Panginoong Hesus, sinabi Mong malalaman ng lahat na kami ay mga tunay Mong disipulo sa pamamagitan ng aming pag-ibig sa isa’t isa. Idinalangin Mo na ang Iyong mga disipulo ay magkaisa, tulad ng pagkakaisa Mo at ng Ama. Dalangin din namin, O Hesus, ang ganitong pagkakaisa sa puso at pag-iisip, upang sa pamamagitan Mo ay makipag-isa rin kami sa Ama.
Panginoon, kami ay may pangakong sundin ang Iyong mga kautusan, lalo na ang pagmamahalan at pamumuhay sa pagkakaisa.
Hayaan Mong malayang dumaloy ang Iyong Banal na Espiritu sa aming mga puso at isipan upang makabahagi kami sa wagas na pag-ibig na nasa Inyo ng Ama. Pahintulutan Mong maghari ang pagkakasundo sa aming komunidad at sa aming mga gawain, at nawa sa tuwina ay lagi naming tanggapin ang bawat isa, mapatawad ang isa’t isa, at makita ang bawat isa tulad ng Iyong pagtingin sa amin, Panginoong Hesus. Nang sa ganoon, tunay naming maranasan ang bunga ng pagkakaisa at pahalagahan sa aming kalagitnaan ang Iyong kamangha-manghang presensya.
Tulungan Mo kaming maging banal na katulad Mo, upang tapat naming mahalin ang aming kapwa tulad ng pagmamahal Mo sa amin. Lagi Mo kaming paalalahanan na sa panalangin ay itaas sa Iyo ang aming mga puso. Buhayin Mo kami sa pamamagitan ng Iyong salita at patatagin sa pamamagitan ng Iyong mga sakramento.
Pag-isahin Mo kami, Panginoong Hesus, sapagkat mabuti at kalugod-lugod kung kami ay nagkakaisa, nang sa ganoon ay mabiyayaan Mo kami nang masagana. Sa Iyong makapangyarihang pangalan, ito ang aming dalangin. Amen.
Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, nananalig kami sa Iyong pag-ibig.
Kalinis-linisang Puso ni Maria, ipanalangin Mo kami.
San Jose, ipanalangin Mo kami.